Kabilang sa high school graduates ng 2012 ang dating child star na si Jiro Manio na nagmartsa kanina. May payo naman ang isang psychologist sa mga tulad ni Jiro na dumaan sa rehab. Nagpa-Patrol, Marie Lozano. TV Patrol, Marso 29, 2012, Huwebes
Taas-noo sa pagmartsa at pagtanggap ng high school diploma ang dating child star na si Jiro Manio.
Sa ilang beses niyang pag-akyat ng entablado para tumanggap ng acting award, ang special award niya sa eskuwelahan ay napaka-makahulugan sa kanya.
Pinarangalan si Jiro kasama ng kaklaseng 67 gulang na grumaduate ng high school. Nagsisilbi kasi silang inspirasyon sa ibang kaklase.
“Gusto ko rin na iparating sa mga tao na ‘di ko rin gusto ang nangyari sa buhay ko na mawala ako sa sarili ko, maligaw ako, magwala ako kung saan-saan,” sabi ni Jiro. “Siguro para na rin sa anak ko, at para na rin sa pamilya ko ang ginawa ko.”
Ayon sa psychologist na si Dr. Randy Dellosa, isang hamon ang pagpasok sa rehab ng isang drug addict. Pero hamon din ang paglabas sa rehab at pagbabalik sa lipunan.
Sa sitwasyon umano ni Jiro, malaking puntos ang mga taong nakapalibot sa kanya na makakatulong o makakasama sa kanya.
Importante na tuluyan nang talikuran ni Jiro ang madilim niyang nakaraan at lumayo sa mga nakaka-impluwensya sa kanya noon.
“The person has to be on his best behavior para ma-gain niya ulit ‘yung trust ng tao. Of course nandoon ulit ‘yung temptation, so the person has to avoid them,” sabi ni Dellosa.
Pangarap niyang muling makabalik sa pag-arte, pero gusto muna niyang gugulin ang panahon ngayon kasama ng 4 na taong gulang na anak. Marie Lozano, Patrol ng Pilipino